(Update) Umakyat na sa 25 katao ang patay habang 55 ang nailigtas matapos lumubog ang tatlong bangka sa Guimaras, Iloilo kahapon.
Ang nasabing datos ay mula sa report na ibinigay ng Philippine National Police (PNP) Police Regional Office-6.
Ayon kay PRO-6 spokesperson Police Lt.Col. Joem Malong, as of 12:00 P.M ngayong araw, August 4, anim pa ang nawawala na patuloy na pinaghahanap.
Sinabi Malong, sa unang insidente na naganap bandang alas-12:30 ng tanghali na kinasasangkutan ng M/B ChiChi, 12 ang nasawi at 25 ang survivors.
Sa pangalawang insidente naman na kinasasangkutan ng M/B Kezia na naganap bandang alas-3:00 ng hapon, nasa 13 ang patay kabilang ang isang menor de edad at nasa 20 ang suwerteng nakaligtas
Tinatayang 86 ang kabuuang bilang ng mga pasahero mula sa dalawang bangka at 13 ang crew.
Sa 25 nasawi, 13 rito ang hindi pa nakikilala habang ang 12 ay tukoy na ang identity.
Sa kabilang dako, inaasahan na babalik na sa normal ang biyahe ngayong hapon patungong Guimaras.
Sinusuri na rin ng mga tauhan ng Crime Laboratory ang mga bangkay na narekober sa Dumangas.
Bandang alas-11:00 kaninang umaga, ilang team ng Scene of the Crime Operatives elite team mula sa Regional Crime Laboratory ang nagtungo sa Dumangas Hospital para magsagawa ng DVI documentation sa labi ng mga biktima.