-- Advertisements --

Kung ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) daw ang tatanungin, dapat i-extend pa sa 15-araw ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan.

Batay sa pinakabagong report ng UP OCTA research team, posibleng umabot ng 230,000 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas kung mananatili ang MECQ haggang August 18.

Pero kung magde-desisyon ang pamahalaan na alisin ito at ibalik sa general community quarantine (GCQ) ang kasalukuyang MECQ areas, ay baka lumobo pa ang mga kaso ng sakit sa 250,000.

Kung mananatili naman ang MECQ hanggang katapusan ng buwan, ay posibleng hanggang 210,000 lang daw ang maging total ng COVID-19 cases sa bansa.

Paliwanag ng research team, mapapaunlad pa ng gobyerno ang proseso ng tracking, quarantine at isolation ng mga pasyente sa loob ng dagdag na 15-araw. Pati ang pribado at pambpublikong sektor ay magkakaroon daw ng panahon para tiyaking ligtas na ang kanilang mga opisina.

Bibigyang daan daw ng extension ang pananatiling ligtas sa pagka-overwhelmed ng mga ospital at health care workers.

“The government should learn from the lessons of Cebu,” ayon sa grupo ng mga eksperto, para sa kanilang rekomendasyon na palakasin pa ang testing, tracing, isolation, treatment at health system capacity ng MECQ areas.

“If we lift the MECQ prematurely, we will need to deal with the outbreak in the NCR entering a phase of uncontrolled and very rapid growth.”

Ayon sa UP experts, maapektuhan talaga ang ekonomiya kung tatagal pa ang mahigpit na quarantine, pero mas magiging angkop naman daw ang pagbubukas nito kapag nasigurong natugunan ng gobyerno ang kanilang rekomendasyon.

“The extension is not an act against the economy. It is based on the conviction that effectively suppressing the virus is the only way we can open up society and jumpstart economic recovery.”

Binubuo nila Prof. Guido David, Ranjit Singh Rye, Ma. Patricia Agbulos, at Rev. Fr. Nicanor Austriaco ang grupo ng mga ekspertong bumuo sa report.

Kasama rin nila sila Eero Rosini Brillantes, Bernhard Eqwolf, Troy Gepte, Rodrigo Angelo Ong, Michael Tee, at Benjamin Vallejo, Jr. na nagbigay din ng kanilang kontribusyon sa pag-aaral.