-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson na mayroong P355 million budget insertion para sa flood control projects sa Bulacan ngayong taon.

Matatandaan na sa Kamara, itinuro ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez si Senador Jinggoy Estrada na umano’y naglaan ng naturang halaga kapalit ng 30% komisyon.

Ayon kay Lacson, lumabas sa kanilang pagsusuri na nakapaloob nga sa 2025 General Appropriations Act ang P355 milyon, ngunit wala ito sa National Expenditure Program at sa House budget version. 

Maliwanag aniya na sa Senado o bicam ito naisingit.

Gayunman, hindi matukoy kung sino ang mambabatas na nagpasok ng pondo. 

Limang proyekto ang saklaw nito at pinasusuri ni Lacson kung lehitimo ang implementasyon.

Bilang paggalang sa inter-parliamentary courtesy, posibleng makipag-usap muna si Lacson kay dating Senadora Grace Poe, na noo’y namuno sa Senate Committee on Finance, para alamin ang totoong proponent ng nasabing budget.

Kinumpirma rin ni Lacson na dumalaw sa Senado ang kinatawan ng WJ Construction Company na tinukoy ni Hernandez sa pagdinig sa Kamara bilang taga-dala umano ng “obligasyon” o lagay.

Ayon kay Lacson, isang nagngangalang Mina ang nagtungo sa Senado noong Agosto 19, 2025. 

Pinare-review na ang mga CCTV footage para malaman kung saang opisina siya pumunta at kung sino ang kanyang nakausap.

May ideya na raw ang senador kung sino ang pinuntahan ni Mina pero iginiit nito na kailangang ipatawag ito para personal na magpaliwanag.

Dagdag pa niya, kung lalabas na isang senador ang pinuntahan, nararapat itong humarap at magpaliwanag.

Muling ikakasa ng Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa Setyembre 18. 

Pamumunuan na ito ni Lacson makaraang palitan ng senador si Marcoleta dahil sa nangyaring kudeta o palitan ng liderato,. 

Ayon kay Lacson, pinili niya ang Huwebes para mas mahaba ang oras na mailaan sa imbestigasyon at hindi mabitin lalo’t sa mga nagdaang pagdinig ay kailangan nilang tapusin bago mag alas tres ng hapon para naman sa sesyon.

Ipapatawag naman ang “BGC Boys”  o Bulacan Group of Contractors na sangkot sa umano’y korapsyon sa flood control projects.