-- Advertisements --

Magiging pare-pareho na ang oras ng ipatutupad na curfew sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa Metro Manila sa ilalim ng mas mahigpit na general community quarantine (GCQ).

Ito ang inianunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang magpulong kagabi ang National Task Force against COVID-19.

Sinabi ni Sec. Roque, nagpasya ang NTF na i-adapt ang rekomendasyon ng mga mayors sa Metro Manila para sa unified curfew mula alas 8 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga sa ilalim ng GCQ.

Maliban dito, inianunsyo rin ni Sec. Roque na batay sa pinal na desisyon ng national task force, hindi pa rin pinapayagan ang operasyon ng mga gyms, internet cafes, review centers, at tutorial centers.

Ang mass gathering kasama ang religious services ay limitado lamang sa 10 indibidwal at hindi 10 porsiyento ng kapasidad ng lugar.

Samantala, pinapayagan naman ang pagbubukas muli ng mga barberya at salon pero ipinauubaya na sa mga LGUs ang pagtukoy kung ilan ang capacity sa bawat establisimiyentong ito.