Hindi muna makikialam ang Malakanyang sa isyu ng dalawang kapulungan ng Kongreso partikular sa usapin ng maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, trabaho ng Senado at Kamara na talakayin ang mga alegasyon, lalo na’t mga “resource persons” pa lamang ang nagsasalita sa mga imbestigasyon.
Tinanong din ang kalihim kung nababahala sa ulat hinggil sa mga ghost projects at umano’y nasayang na flood control funds.
Natural lamang aniya ang kanyang pagkabahala sa isyu gaya ng maraming mga Pilipino.
Samantala, sa gitna ng umano’y korapsyon sa flood control projects, na kinasasangkutan ng ilang ahensya ng gobyerno, kinumpirma ni Bersamin na nananatiling matatag ang pamahalaan.
Wala rin aniya siyang nakikitang banta.
Nauna nang ibinunyag ni Finance Secretary Ralph Recto na umabot sa P118.5 bilyon ang nawala sa ekonomiya ng bansa mula 2023 hanggang 2025 dahil sa ghost flood control projects.
Katumbas umano ito ng hindi bababa sa 95,000 hanggang 266,000 trabaho na sana’y nakinabang ang mga Pilipinong higit na nangangailangan.
Nagbabala na rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa mga sangkot sa mga kuwestiyonableng flood control projects ng gobyerno.
Binigyang-diin niya na walang kaalyado o kalaban sa kampanya ng administrasyon kontra sa mga maanomalyang kontrata.