LA UNION – Kinumpirma sa Bombo Radyo La Union ni Burgos Mayor Robert Madarang na isang 34-anyos na lalaki mula sa Brgy. Libtong ang naitalang unang kaso ng Covid-19 sa nasabing bayan.
Ang kauna-unahang covid patient sa bayan ng Burgos ay nagtatrabaho bilang isang security guard sa isang bangko sa lungsod ng Baguio.
Dahil dito, naka-lockdown ang Barangay Libtong epektibo kaninang alas 12:00 ng hatinggabi, July 28.
Samantala, isa pang kaso ng covid 19 ang nadagdag sa listahan ng City Government of San Fernando.
Ang ika-31 kaso, ayon sa City Health Office (CHO) at Department of Health (DOH) ay isang 35-anyos na babae mula Barangay San Agustin (Purok 2B) at na-expose kay Patient #26 na kasalukuyang nasa isolation facility ng syudad.
Ang Barangay San Agustin ay mananatiling nasa ilalim ng heightened community quarantine until further notice.
Gayunman, may magandang balita naman ang lokal na pamahalaan matapos kumpirmahin na may limang COVID patient recoveries mula sa 24 na kasalukuyang active cases.
Sa katunayan, pinabalik na sa kani-kanilang pamilya ang lima ngunit susunod pa rin ang mga ito sa strict home quarantine.
Sa bayan naman ng Caba, walo ang naitalang bagong COVID-19 recoveries, base sa official statement ng Provincial Government of La Union.