-- Advertisements --
AFP CHIEF GEN. ROMEO BRAWNER JR

Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines ang naging pahayag ng China hinggil sa umano’y pagpaalis nito sa barko ng Philippine Navy sa bahagi ng Bajo de Masinloc shoal.

Ito nga ay matapos ang inilabas na statement ni China Coast Guard spokesman Gan Yu kung saan sinabi nito na tinaboy daw ng kanilang coast guard ang barko ng Philippine Navy na naglalayag sa nasabing lugar nang dahil sa naging paglabag daw nito sa international law at sa territorial sovereignty ng kanilang bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., na walang katotohanan ang mga ulat na ito at tanging propaganda lamang aniya ito ng China.

Sa palagay ng heneral, posibleng layunin lamang ng propagandang ito ng China na magpapogi at ipakita sa kanilang “Internal audience” na may ginagawa sila sa naturang lugar.

Paglilinaw pa ni Brawner, sa ngayon ay tanging Philippine Coast Guard lamang at walang presensya ng Philippine Navy sa bahagi ng Bajo de Masinloc kung kaya’t malabo talagang mayroong itinaboy ang China coast guard sa lugar.

Samantala, kasabay nito ay iginiit naman ng hepe ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na anuman ang mangyari ay hindi nito pahihintulutan na palayasin ng China ang presensya ng ating bansa sa lugar sapagkat ito ay nasasakupan ng exclusive economic zone ng Pilipinas, at karapatan aniya ng mga Pilipinong mangingisda na magtungo at pumalaot sa nasabing lugar.