NAGA CITY – Nanindigan ngayon ang suspect sa likod ng nadiskubreng mahigit 20 marijuana plant sa Barangay San Jose, Baao, Camarines Sur na hindi niya pag-aari ang naturang mga panamin.

Una rito, sa gitna ng anti-illegal drug operation ng mga otoridad, nadiskubre ang nasa 22 marijuana plant na nakatanim sa likod ng bahay ng suspek na si Roberto Bustinera Jr. 42.

-- Advertisement --

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bustinera Jr., sinabi nito na dinala lamang ang nasabing mga pananim sa kanilang bahay ng nagngangalang Nico Batac at doon tumatambay kasama ang mga tropa nito.

Ayon kay Bustinera, hindi na niya pinakialaman ang mga ito dahil hindi naman sa kanila ang lupang pinagtaniman ng nasabing mga marijuana.

Iginiit din ni Bustinera na walang katotohanan ang umanoy impormasyon na naaktuhan ito ng mga otoridad na nagdidilig pa sa mismo mga halaman dahil ang totoo natutulog aniya siya nang biglang dumating ang mga otoridad.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon habang nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda ang kasong isasampa laban dito.