ILOILO CITY – Kinakalap na ng Jaro PNP ang mga ebidensya upang makilala ang mga suspek na bumaril patay sa ex-job hire ng Iloilo City Hall sa Brgy. Tabuc Suba, Jaro, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Cpt. Eduardo Siacon, hepe ng Jaro Police station, sinabi nito na tinitipon na nila ang mga footages na kuha ng Closed Circuit Television camera upang makilala ang dalawang suspek na pumatay sa biktima na si Felix Argenal Jr., 30-anyos ng Zone 3. Brgy. Tacas, Jaro.

Ayon kay Siacon, malapit lang ang distansya ng gunman sa biktima base sa natamong tama ng bala sa ulo, likod, at mukha nito.

Si Argenal ay isang drug surrenderee at ini-uugnay din ito sa ilang mga krimen noon sabi ng hepe.

Maliban dito, tinuturo rin ang biktima na di umano’y myembro ng gun for hire sa Iloilo.

Napag-alaman na dumalo si Argenal sa birthday party ng kanyang kaibigan ng bigla siyang binaril ng dalawang mga suspek sakay ng motorsiklo.