Pinigilan ng sunod-sunod na drone attacks mula sa Ukraine ang mga flight sa apat na paliparan sa Moscow ngayong Martes, ilang araw bago ang Victory Day parade na dadaluhan ng mga world leader gaya ni Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Moscow Mayor Sergey Sobyanin, hindi bababa sa 19 na Ukrainian drones ang pinabagsak ng air defense ng Russia sa paligid ng kabisera — ikalawang gabi na ng magkakasunod na pag-atake. Wala namang naiulat na nasaktan, ngunit bumagsak ang ilang debris sa isang pangunahing highway.
Kabuuang 105 drones umano ang na-intercept sa buong Russia, ayon sa defense ministry ng Moscow.
Ang insidente’y nangyari bago dumating si Pres. Xi sa May 8 para sa tatlong araw na state visit. Sasama siya sa Mayo 9 Victory Day parade, na pinakamahalagang selebrasyon sa kalendaryo ni Pres Vladimir Putin.
Kasama rin sa inaasahang dadalo sina Brazilian President Lula da Silva, Vietnam’s To Lam, at Belarus’ Aleksandr Lukashenko.
Samantala, kinuwestiyon ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang unilateral ceasefire na idineklara ni Putin para sa Victory Day, at iginiit na handa lamang siyang pumirma para sa mas mahabang tigil-putukan.
Nagbabala rin si Zelensky sa mga diplomat na dadalo sa Moscow na hindi siya responsable sa anumang posibleng mangyari sa loob ng teritoryo ng Russia dahil sa patuloy na giyera. (report by Bombo Jai )