-- Advertisements --

Kinumpirma ng Ukraine na nasira nito ang dalawang pangunahing tulay ng Russia sa pamamagitan ng paggamit ng mga murang klase ng drones na nagkakahalaga ng $600 para pasabugin ang mines at ammunition na itinanim doon ng Russian forces.

Nauna na kasing tinaniman ng Russia ng mga pampasabog ang dalawang tulay para pasabugin sakaling biglang umabanse ang Ukrainian forces.

Subalit, ayon sa Ukrainian military ginagamit din ng Russian military ang mga tulay para mag-resupply sa kanilang mga tropang sundalo, kayat ginamit ito ng Ukraine sa kanilang sariling bentahe.

Ang 58th Separate Motorized Infantry Brigade ng Ukraine ang nagsagawa ng operasyon na ikinasa matapos mapansin ang kakaibang aktibidad sa lugar.

Sa video na nakuhanan ng drone, nadiskubre ang malaking bulto ng anti-tank mines at iba pang ammunition at piraso ng fabic na nakabalot kayat tinamaan nila ito at pinasabog.

Sa ngayon, wala pang komentong inilalabas ang Russia sa pag-atake sa mga tulay.