Tahasang tinawag na “currency manipulator” ng US Treasury Department ang China matapos hayaan ng Beijing na bumagsak ang halaga ng yuan sa pinaka mababa nitong lebel sa loob ng 11 taon.
Isa umano itong pagpalag ng China kay US President Donald Trump matapos nitong manakot sa pagpapataw ng dagdag buwis sa mga produktong iniaangkat ng China.
Ginawa ng Treasury ang anunsyong ito kasunod nang pagbulusok pababa ng US stocks, pagbaba ng halaga ng yuan at pagkumpirma ng Beijing na ititigil muna ng bansa ang pagbili nito ng mga produktong pang-agrikultura sa Estados Unidos.
“Under the auspices of President Trump, has today determined that China is a Currency Manipulator,” saad ni Treasury Secretary Steven Mnuchin sa isang pahayag.
Dagdag din nito, handa silang makipagtulungan sa International Monetary Fund (IMF) upang matigil na ang hindi makatarungang panglalamang umano ng China.
Nangatwiran naman ang Treasury Department sa kanilang naging hakbang at sinabi nito na ang mga naging aksyon ng China ay isa umanong matibay na ebidensya na hinahayaan ng nasabing bansa ang pagbaba ng halaga ng yuan habang sinisigurado rin nito ang kanilang substantial foreign exchange reserves.
“The context of these actions and the implausability of China’s market stability rationale confirm that the purpose of China’s currency devaluation is to gain an unfair competitive advantage in international trade,”
China ang pinaka huling bansa na opisyal na idineklarang “currency manipulator” simula noong Bill Clinton administration noong 1994.