Binabalak nang kanselahin ng ilang malalaking airline company sa United States ang daan-daang flights, alinsunod sa direktiba ng Federal Aviation Administration (FAA) na limitahan ang operasyon sa 40 pangunahing paliparan sa bansa dahil sa nagpapatuloy na government shutdown.
Batay sa mga pahayag ng tatlong malalaking airline, magbabawas sila ng mga biyahe simula ngayong Biyernes, Nobyembre 8.
Ang American Airlines ay magbabawas ng hindi bababa sa 220 biyahe, ang United Airlines ng 200 flights kada araw, habang ang Delta Airlines ay aabot sa 170 flights.
Nilinaw ng mga kumpanya na ang mga kinanselang biyahe ay yaong inaasahang hindi magkakaroon ng malaking epekto sa mga pasahero.
Kinokonsidera na ito bilang pinakamalaking antala sa operasyon ng mga biyahe sa himpapawid mula nang magsimula ang government shutdown mahigit isang buwan na ang nakalipas, kung saan nakararanas ang mga paliparan ng kakulangan sa mga tauhan.
Samantala, ang mga airline na hindi susunod sa emergency order ng FAA hinggil sa pagbabawas ng flights ay pagmumultahin ng hindi bababa sa $75,000 kada flight, ayon mismo sa utos ng FAA.















