Hindi pa tinatanggal ng Japan ang kanilang tsunami advisories matapos ang pagtama ng magnitude 7.5 na lindol sa Northern Japan.
Tumama ang lindol sa karagatang bahagi ng Aomori Prefecture ng 10:15 ng gabi oras sa Pilipinas kung saan may lalim ito na 54 kilometers.
Unang naitala ang 7.6 magnitude na pagyanig subalit ito ay pinababa ng Japan Meteorological Agency sa 7.5 na lindol.
Nakataas ang tsunami advisories sa mga lugar ng Aomori Prefecture, Iwate, Miyagi at Fukushima prefectures.
Dahil dito ay pinag-iingat ng mga otoridad ang mga residente na naninirahan sa mga karagatan na lumikas na dahil sa banta ng pagtaas ng tubig mula sa karagatan.
Pinalikas din ang mga residente ng ilang munisipalidad ng Hokkaido at Tohoku region dahil sa pagyanig.
Pinawi naman ng Tokyo Electric Power Company ang pangamba ng marami dahil walang anumang naitalang abnormalidad sa Fukushima Daiichi at Daini nuclear plants.
















