Arestado ng mga tauhan ng PNP intelligence group ang tinaguriang trusted man at kanang kamay ni ASG leader Mundi Sawadjaan sa isinagawang operasyon kahapon sa Zamboanga City bandang alas-6:30.
Ang operasyon ng pulisya ay basi sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kinakaharap na kasong multiple murder.
Kinilala ni PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang naarestong terorista na si Hashim Saripada alias Ibno Kashir.
Sinasabing si Saripada ang nagdala sa Lamitan, Basilan sa Moroccan suicide bomber na nagpasabog sa CAFGU detachment nuong July 2018.
Tumanggi naman si Cascolan na idetalye kung paano ang ginawang intelligence build-up na nagresulta sa pag-aresto kay Saripada.
May koneksiyon din umano si Saripada kay Moroccan suicide bomber Abu Kathir Al-Maghribi at kay Basilan based ASG leader Furuji Indama.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, isang terorista rin ang naaresto ng PNP sa Quezon City.
Para sa PNP malaking dagok daw sa grupo ni Sawadjaan ang pagkakaaresto kay Saripada.
“Saripada is a assistant cohort of Mundi Sawadjaan, this will be a very very big blow on him because nawalan siya ng isang mapagkakatiwalan so karamihan ng kaniyang activities ngayon ay hindi na matutuloy because of that and he knows na mino-monitor na siya ng intelligence unit,” pahayag ni Cascolan.
Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP Intelligence Group director B/Gen. Edgar Monsalve na matagal na nilang minamanmanan si Saripada.
“Nang mangyari ‘yung Lamitan bombing dahil alam niya na hahabulin siya ng mga security forces ay umalis na ito na Basilan at nagpunta sa Sulu nagtago sa isang Island sa Sulu, meron pong mga kapatid natin sa community ang nagbibigay ng impormasyon na cited ito uli si Saripada sa Zamboanga,” wika ni Monsalve.
Inaalam na rin ng PNP kung may planong maglunsad ng bombing attacks ang teroristang grupo sa mga urban centers.