-- Advertisements --

Nagbabala si U.S. President Donald Trump ng matinding ”consequence” kung hindi papayag umano si Russian President Vladimir Putin sa isang kasunduan para sa kapayapaan sa Ukraine sa kanilang pulong sa Alaska ngayong Biyernes.

Bagamat hindi niya nilinaw kung anong mga hakbang ang isasagawa, sinabi ni Trump na maaaring kabilang dito ang mga bagong economic sanctions.

Kasunod ng isang virtual na pagpupulong kasama si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy at mga lider ng Europa, tiniyak ni Trump na walang magiging kasunduan tungkol sa teritoryo ng Ukraine kung wala ang partisipasyon ng bansa.

Iminungkahi rin ni Trump ang posibilidad ng isang follow-up meeting kasama si Putin at Zelenskiy kung magiging maayos ang unang pagpupulong. Ayon sa kanya, ang layunin ng pulong sa Alaska ay ilatag ang hangarin para sa direktang dayalogo ng tatlong panig.

Sinabi naman ni French President Emmanuel Macron at German Chancellor Friedrich Merz na malinaw ang naging pahayag ni Trump na ang mga teritoryo ng Ukraine ay hindi maaaring ipagkasundo nang wala ang pahintulot ng Kyiv.

Tiniyak din nila na dapat dagdagan ang pressure sa Russia kung walang positibong resulta ang pag-uusap sa Alaska.

Samantala, iginiit ni Zelenskiy na ginagamit lamang ni Putin ang banta ng panibagong opensiba upang manakot bago ang summit.

Tinututulan pa rin ng Ukraine ang mga kondisyon ng Russia na alisin ang tropa sa apat na rehiyon at itigil na ang layuning sumali sa NATO.