-- Advertisements --

Muling iginiit ni U.S. President Donald Trump na ang pagsakop sa Greenland ay maaaring makatulong sa Estados Unidos upang mabawasan ang pagdepende nito sa China para sa mga critical minerals, partikular ang rare earth elements.

Sa kabila ‘yan ng matinding problema sa geology ng Isla tulad ng kakulangan sa imprastraktura.

Nabatid na wala pang kahit isang minahan ng rare earth na aktibong nagpapatakbo sa Greenland, dahilan upang kuwestiyunin ng mga eksperto ang pagiging gahaman ng Amerika.

Matatandaan na una nang ipinahayag ni Trump ang prayoridad nito na maghanap ng rare earths sa Arctic island kapag napasakamay nila ito bunsod ng paghihigpit ng China sa pag-export ng mga critical minerals sa U.S. kasunod ng mga serye ng pagpataw ng taripa ni Trump sa bansa.

Bagama’t naglaan na ang administrasyon ng daan-daang milyong dolyar para sa pagmimina sa loob at labas ng bansa, muli niyang binuhay ang ideya ng pagkuha sa Greenland mula sa Denmark bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng Amerika.

Ngunit ayon sa mga geology expert, maaari aniyang abutin ng maraming taon o dekada bago makapagprodyus ng rare earths ang Greenland, at posible rin daw na hindi ito mapakinabangan sa komersyal.

Napagalaman na tinatayang may humigit-kumulang 1.5 milyong tonelada ng rare earths ang isla, subalit karamihan sa mga proyekto ay nasa exploratory stage pa lamang.

Bukod dito mahihirapan din daw ang Estados Unidos sa planong magtayo ng mga mina dahil ang Greenland ay humaharap sa kakulangan ng malawakang konstruksyon tulad ng kalsada, pantalan, planta ng kuryente, at pabahay para sa mga bihasang manggagawa tulad ng mga minero.

May kaakibat ding panganib sa kapaligiran ang pagmimina ng rare earths dahil gumagamit ito ng mga nakalalasong kemikal at kadalasang may kasamang radioactive uranium — isang seryosong hamon para sa manipis na Arctic ecosystem ng Greenland.

Dagdag pa rito, ang rare earths ng Greenland ay nasa eudialyte rock, isang uri ng bato.

Karamihan kasi ng rare earths sa mundo ay nagmumula sa carbonatite deposits kung saan mayroon nang epektibong teknolohiya para sa pagkuha nito.

Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang interes ng mga gustong mamuhunan sa plano ni Trump, kung saan dumoble ang stock ng Critical Metals ngayong linggo matapos ipahayag ng Amerika ang plano para sa pilot plant sa Greenland, bagama’t kakailanganin parin ng daan-daang milyong dolyar bago makapagtayo ng aktwal na minahan.