Hindi isinasantabi ni US President Donald Trump ang pagpapadala ng kanilang mga tropang sundalo sa Ukraine para maipatupad ang anumang peace deal sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa US President, tatalakayin niya ang naturang usapin kasama ang European leaders kabilang na si United Kingdom Prime Minister Keir Starmer.
Aniya, kapwa makikibahagi ang Europa at US sa pag-secure para sa post-war peace sa Ukraine.
Pagdating sa pagbibigay ng security guarantees para sa Kyiv, sinabi ni Trump na maraming tulong ang ibibigay pagdating sa seguridad sa anumang post-war settlement subalit iginiit niyang ang Europa ang first line of defense, kaakibat ng tulong mula Amerika.
Sa isang press briefing naman sa labas ng White House, kinumpirma ni Ukrainian President Volodomyr Zelensky na inialok nito na bumili ng $90 billion na mga armas ng US, bagamat nakatakda pang isapormal ang naturang proposed deal bilang parte ng security guarantees na kanilang natalakay ni Trump kasama ang EU leaders.
Tratrabahuin aniya nila ang mga detalye kaugnay sa security guarantees sa loob ng 10 araw.
Samantala, matapos ang pagpupulong sa pagitan nina Trump at Zelensky kasama ng EU leaders, susunod na paplanuhin naman ni Trump ang peace summit sa pagitan nina Zelensky at Russian President Vladimir Putin, na susundan ng trilateral meeting kasama ang US.