Binati ni US President Donald Trump ang libu-libo nitong mga tagasuporta na nagsagawa ng kilos-protesta sa Washington DC.
Ito’y kasunod pa rin ng pagmamatigas ni Trump na tanggapin ang kanyang pagkatalo kay Democratic President-elect Joe Biden sa ginanap na halalan noong Nobyembre 3.
Sinalubong ng hiyawan at palakpakan si Trump nang dumaan ang kanyang limousine sa harap ng kanyang mga tagasuporta sa bahagi ng Pennsylvania Avenue.
May ilan ding mga supporters ang umakyat pa ng mga pader at iba pang mga istraktura masilayan lamang ang motorcade ni Trump.
Sigaw ng mga demonstrador, na nagtipon bilang bahagi ng binansagang “Million MAGA [Make America Great Again] March”, ang mga katagang “USA! USA!”, “We want Trump! We want Trump!” at “Four more years! Four more years!”.
Giit ng mga tagasuporta ni Trump, hindi nila kinikilala ang kinalabasan ng presidential elections at naniniwala sila na nagkaroon ng malawakang pandaraya sa halalan.
Ang naturang paratang ay nauna nang kinontra ng mga eksperto at mga election officials.
Kaugnay nito, ang mga right-wing militia groups tulad ng “Proud Boys” ay plano ring magsagawa ng rally sa kapitolyo.
Naghigpit na ng seguridad ang mga otoridad dahil inaasahang magkakaroon ng girian sa pagitan ng mga pro at anti-Trump protesters. (Al Jazeera)