-- Advertisements --

Inanunsyo ng administrasyon ni U.S. President Donald Trump ang pagbabawas ng puwersang militar sa Los Angeles, kung saan 2,000 National Guard ang kanilang pauuwiin.

Ang hakbang ay bahagi ng pag-urong ng operasyon matapos ang matinding batikos at protesta laban sa malawakang immigration raids ng federal government.

Magugunitang unang ipinadala ang mga National Guard noong Hunyo upang sugpuin ang mga kilos-protesta laban sa operasyon ng ICE (Immigration and Customs Enforcement), na nagsagawa ng mass arrest sa mga pampublikong lugar.

Umabot sa 4,000 National Guard at 700 ang ipinadala sa lungsod, kahit tutol dito sina Mayor Karen Bass ng Los Angeles at Gobernador Gavin Newsom ng California.

Ayon sa Pentagon, bumababa na ang kaguluhan kaya pinayagan na nila ang 2,000 tropa na bumalik. Gayunpaman, mananatili pa rin ang natitirang 2,000 National Guard at 700 Marines sa lungsod.

Tinuligsa naman ng mga lokal na opisyal at residente ang nanatiling presensya ng militar, na sinabing nagdudulot ng takot at tensyon sa mga komunidad ng mga immigrants.

Nitong nakaraang linggo, iniutos ng isang federal judge na itigil na ang mga walang habas na pag-aresto sa pitong county sa California, kabilang ang Los Angeles.