Pinabulaanan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang mga ulat na hinimatay at natagpuang walang malay si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) detention center sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Trillanes, hindi totoo ang naturang insidente, at iginiit niyang may nakahandang medical team sa loob ng detention center, bukod pa sa mga ambulansyang nakaantabay sa labas.
Aniya, nasa limang minutong layo lamang ang ospital mula sa ICC kaya’t imposible daw na hindi agad naasikaso ang dating pangulo.
Dagdag pa ni Trillanes, walang basehan ang sinasabing may problema sa memorya si Duterte, na una nang ipinahayag ng kanyang abugadong si Atty. Nicholas Kauffman na mayroong cognitive deficiencies si Duterte.
Ang pahayag ni Trillanes ay kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte kung saan natagpuan umano ang kanyang ama na walang malay sa sahig ng kanyang detention room sa ICC at kinailangan umanong isailalim sa mga laboratory test ang dating pangulo.
Aniya, hindi agad ipinaalam sa pamilya ang nangyari at walang ibinigay na paliwanag umano ang ICC.
Tinuligsa rin ni VP Sara ang umano’y kapabayaan ng ICC, kabilang ang kawalan ng agarang tugon sa simpleng medikal na pangangailangan ng dating pangulo tulad ng paggamot ng ingrown toenail nito.