-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na dinalaw niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kulungan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Davao City Rep. Paolo Duterte sa social media na umano’y ipinadala si Trillanes para magsagawa ng “welfare check” sa dating Pangulo

Matatandaan, nag-post pa ng larawan ang dating Senador sa harap ng the Hague Penitentiary Institution kung saan nakakulong ang dating Pangulo, kung saan sa kaniyang caption, sinabi niyang nandoon pa rin ang dating Pangulo saka humirit na “Relax lang”.

Samantala, sinabi naman ni Vice President Sara Duterte na nalalagay sa peligro ang buhay ng dating Pangulo dahil sa mga welfare check na isinagawa umano nang walang pahintulot ng kanilang pamilya.

Subalit, nilinaw naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang naturang consular visit ay isinagawa ng mga opisyal ng Embahada sa maayos at magalang na paraan.

Nauna na ring sinabi ni Senador Robin Padilla, na hindi basta na lamang papapasukin sa kulungan ang mga taong hindi nais makita ng nakakulong.

Kung babalikan, isa si Trillanes sa mga naghain ng reklamo laban sa dating Pangulo sa ICC.