Mistulang nabunutan ng tinik ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagtanggal ng inter-agency task force sa ipinatutupad na travel ban sa Taiwan.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, inaasahan na nila ang hakbang na ito dahil nakita naman ang maayos na paghawak ng Taiwanese health authorities sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).
Una nang inamin sa Bombo Radyo ni Bello na umabot na sa P50 million ang nailalaan ng OWWA bilang tulong sa mga OFW na naapektuhan ng travel ban.
Ang iba aniya ay kinailangan pang umuwi muna sa probinsya habang hinihintay ang development sa nasabing isyu.
Wika ng kalihim, naipaliwanag na rin sa mga opisyal ng Taiwan na hindi ang isyu ng One China Policy ang sanhi ng travel ban, kundi ang isyung pangkalusugan.
Ibinahagi naman ni Norie Abiera, OFW sa Taiwan, na maraming Pinoy na uuwi sana ang napilitang magpalit ng schedule dahil sa naging paghihigpit.
Pero maayos pa rin naman daw ang naging pagtrato sa kanila ng mga employer, kahit noong umiiral ang travel ban.