-- Advertisements --

LAOAG CITY – Sariwa pa rin sa isip ng ilang overseas Filipino workers ang mga nangyari matapos ang malakas na pagsabog na ikinamatay ng mahigit isang daang katao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Ms. Sett Moral, tubong Ilagan, Isabela, mistulang papel na nagsiliparan ang mga bintana ng kaniyang tinutuluyang bahay ng mga amo.

Napilitan na silang lisanin ang bahay na kanyang pinagtatrabahuan matapos ang masira ang mga salamin na bintana.

Sa ngayon ay nasa mataas silang lugar kung saan naroon sila sa bahay ng mother-in-law ng kanyang among lalaki pero nagdulot sa kanila ng matinding trauma.

Sa sumunod na interview ay nakausap din ng Bombo Radyo Laoag si Ms. Ethel Lea Marie Tuazon, tubong Nueva, Era Ilocos Norte kung saan mangiyak-iyak na nagkwento sa kanyang malalang karanasan.

Aniya, sariwa parin ang nangyari kahapon sa Lebanon lalo noong nalaman na may dalawang Pilipino ang namatay at marami ang nasugatan.

Sa ngayon ay kinukumusta nila ang mga kapwa nilang OFWs na mas malapit sa pinangyarihan ng pagsabog ngunit apektado ang kanilang internet.

Ipinahatid nina Moral at Tuazon ang kanilang mensahe sa Bombo Radyo para sa pamilya nila dito sa Pilipinas na maayos ang kanilang kalagayan.