-- Advertisements --

Naghain ng panibagong petisyon ang ilang transport groups para payagang maningil ang mga jeepneys at bus operators at drivers ng dagdag na pasahe sa kasagsagan ng rush hour.

Hiniling ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan ang mga traditional at modern public utility jeepneys (PUJs) na maningil ng dagdag na P1 at sa public utility buses (PUBs) naman ng P2 sa kasagsagan ng rush hour mula sa oras na 5am hanggang 8am at 4pm hanggang 8pm maliban sa araw ng Linggo at national holidays.

Ang panibagong hirit sa taas na pasahe ay liban pa sa inaprubahang minimum fares kamakailan.

Ayon naman sa LTFRB, kanilang patuloy na pag-aaralan ang mga petisyon na kanilang natatanggap para sa kapakanan ng mga driver, operators at commuters.

Magugunita na noong Setyembre, inaprubahan ng LTFRB ang P1 na provisional increase sa minimum fare para sa unang apat na kilometro ng pagbiyahe sa PUJs, dahilan para tumaas ang minimum fare sa traditional jeepneys ng hanggang P12 at P14 sa PUJs.

Para naman sa public utility buses (PUBs), ang minimum fare para sa city buses ay may umento na P2 para sa unang limang kilometro, dahilan para umakyat ang minimum fare sa regular buses ng hanggang P13 at P15 para sa air-conditioned buses.

Tumaas din ang minimum fare para sa provincial buses ng P2, kung saan nasa P1.90 ang dagdag na pasahe para sa succeeding kilometers.