KALIBO, Aklan – Katulad noong nakaraang taon, mananatiling P1.1 milyon ang grand prize para sa Tribal Big category sa Kalibo Sadsad Ati-Atihan contest sa bisperas ng kapistahan ng Sr. Sto. Niño de Kalibo sa Enero 17, 2026.
Ayon kay Boy Ryan Zabal ng Kalibo Ati-Atihan Festival Board, halos 95 porsiyento nang handa ang 31 contingents mula sa iba’t-ibang kategorya sa Tribal Big, Tribal Small, Balik Ati, at Modern Tribal.
Aniya, inaasahang magiging mahigpit ang kompetisyon dahil tampok sa sikat na sadsad o merry making contest ang mga pinakamahusay na mga tribal big contingent mula sa Kalibo at Makato.
Ang ikalawang puwesto ay tatanggap ng P400,000 at ang ikatlong pwesto ay may nakalaang P170,000.
Batay sa mga kalahok ngayong taon, ipinasiguro ng defending champion na Tribu Linabuanon ng Linabuan Norte, Kalibo ang kanilang kahandaan laban sa kanilang pinakamalalakas na katunggali.
Ang Kalibo Sadsad Ati-Atihan, bilang parangal kay Señor Sto. Niño de Kalibo, ay magtatampok ng humigit-kumulang 3,200 participants na nakasuot ng makukulay at masisiglang costume.
Magtitipon ang mga tribu sa Osmeña Avenue Capitol sa Enero 17, at magsisimula ang contest bandang alas-8:00 ng umaga, mula Osmeña Avenue patungong Kalibo Pastrana Park.
















