-- Advertisements --

Tatalima ang American actor na si Tom Hanks sa protocol ng mga medical officials sa usapin ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Pahayag ito ni Hanks sa pamamagitan ng kanyang social medial account, kasabay ng rebelasyon na COVID-19 positive sila ng kanyang misis na si Rita Wilson, base sa resulta ng pagsailalim sa ilang pagsusuri.

Kuwento ng 63-year-old veteran actor at filmmaker, nasa Australia sila ng kanyang misis nang biglang makaramdam ng sobrang pagod hanggang sa magkaroon na ng sipon, sumakit ang katawan at nagkalagnat.

Ito’y sa kasagsagan ng pre-production ng biopic para sa “King of Rock and Roll” na si Elvis Presley kung saan siya ay gaganap bilang longtime manager na si Colonel Tom Parker.

Magkasama aniya sila ni Rita na susuriin muli, oobserbahan, at pansamantalang malalayo sa publiko alang-alang sa isyu ng kalusugan at kaligtasan.

https://www.instagram.com/p/B9nVasnBNF5/

Sa ngayon ay kaliwa’t kanan ang mensahe ng suporta sa mag-asawa mula sa mga ordinaryong fans hanggang sa mga kapwa nila celebrity.

Ilan lamang sa napakaraming hit movies ni Hanks ay ang “Splash” (1984), “Apollo 13” (1995), “Cast Away” (2000), “Saving Mr. Banks” (2013), at siya rin ang boses sa likod ng karakter ni Sheriff Woody sa film series na “Toy Story.” (ew)