-- Advertisements --

VIGAN CITY – Bumalik na ngayong araw sa matinding pag-eensayo ang mga Pinoy boxers na sasabak sa qualifying rounds ng Tokyo 2020 Olympics pagkatapos ng ilang araw na holiday break.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Elmer Pamisa, isa sa mga coach ng national boxing team ng bansa.

Ayon kay Pamisa, mula ngayong araw hanggang sa nakatakdang paglipad nila patungong Thailand para sa mas pinaigting na pagsasanay ay mananatili sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex ang mga atleta para sa kanilang training at pagpapakondisyon.

Muling sinabi ni Pamisa na naniniwala ito sa kakayahan ng mga atletang Pinoy ngunit hindi sila maaaring magpakampante lalo pa’t maraming atleta mula sa higit na 40 bansa ang kakalabanin ng mga ito.

Ang kampanya ng national team para sa qualifying rounds ng Olympics sa larangan ng boxing na isasagawa sa February 4 hanggang February 20, ay binubuo ng pitong lalaki at tatlong babae.