-- Advertisements --

Iginiit ni Police Staff Sergeant (PSSG) Arla Ray Paciencia, tiyahing pulis ni alyas “Nash,” isa sa mga menor-de-edad na suspek sa school shooting incident sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026, na ilegal umanong nakapasok sa kaniyang bahay ang kaniyang pamangkin at kinuha ang kanyang baril.

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon na ginamit ang baril ng pulis at namaril sa San Jose National High School, na ikinamatay ng tatlong kapwa mag-aaral.

Sa pagdalo nito sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Miyerkules, Hulyo 1, iginiit ng pulis na sapilitang pumasok umano ang kaniyang pamangkin sa kaniyang tahanan bago mangyari ang insidente.

“Nash unlawfully entered my own house. It’s not a room po, it’s my own house,” ani Paciencia.

Ayon sa kaniya, pinilit umanong buksan ni Nash ang nakasarang locker kung saan nakalagay ang baril.

“He forcibly damaged my locker. It was locked. My house is locked as well po,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Paciencia na ang baril ay nakalagay sa isang plastic locker na naka-lock at nakalagay sa loob ng gun box, at siya lamang umano ang may hawak ng susi ng kaniyang bahay at ng naturang lalagyan.

“Plastic locker and my firearm were inside a gun box. The locker was locked as well po and I’m the only one who has the possession of the key to my house,” pahayag ng police staff.

Inamin din ng pulis na hindi angkop sa standard na safety vault ang ginamit niyang taguan ng baril, at inakalang sapat na ang security nito dahil siya lamang ang nakatira sa bahay.

“The standard po is the safety vault. But it was in good faith that I believed it was safe at that time since I’m the only one staying in my own house,” dagdag niya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad sina alyas ”Rod” at ”Nash” habang hinihintay ang kanilang paglipat sa social welfare and development facility, kung saan sila ay isasailalim sa intervention at rehabilitation program.