Hindi pa rin umano nagsasawa si Keith Thurman sa kanyang pangungulit kay Sen. Manny Pacquiao para magtuos silang muli sa ibabaw ng boxing ring.

Ayon sa American boxer, nais niya raw agawing muli kay Pacquiao ang dati nitong hawak na WBA “super” welterweight title.

Umaasa rin daw si Thurman na pagbibigyan ng Fighting Senator ang kanyang hiling sa oras na muling magpatuloy na ang boxing.

Pagkatapos aniya niyang makuhang muli kay Pacquiao ang kanyang WBA belt, isusunod naman daw nito si Errol Spence Jr.

“I want my belt back, and then I want the Spence fight because ultimately, I saw a big clash between Spence and me leading into a year like 2020,” wika ni Thurman.

Sa panig naman ng Pinoy ring icon, tikom pa ang bibig nito sa kung sino ang kanyang sunod na target.

Pero ayon kay Top Rank Promotions CEO Bob Arum, posible raw na magtuos sa hinaharap sina Pacquiao at pound for pound king Terence Crawford.