Binigyang diin ng Bureau of Internal Revenue na hindi ‘exempted’ ang mga Non-Resident Digital Service Providers sa kanilang obligasyon magbayad ng buwis.
Ito mismo ang ginawang paglilinaw ng naturang kawanihan sa inilabas nilang pampublikong pahayag hinggil sa naturang pagbabayad ng buwis.
Anila’y ang non-registration ng mga ito para sa Value Added Tax o VAT ay hindi dahilan para kanilang maiwasan ang responsibilidad na maghain ng tax return at bayaran ang kaakibat na buwis.
Kaya’t dahil rito ay inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue na extended ang deadline ng online registration ng kawanihan para sa mga Non-Resident Digital Service Providers.
Ayon kasi sa kawanihan, ito’y bilang pagtugon sa ‘unavailability’ ng VAT sa mga Digital Services Portal at Online Registration and Update System o ORUS ng BIR dahil sa ongoing system migration activities na kanila pang isinasagawa.
Bunsod nito’y mayroon ng sapat at karagdagang panahon ang mga apektadong Non-Resident Digital Service Providers upang makapag-comply sa mga requirements ng kawanihan.
Ang kasalukuyang Commissioner ng Bureau of Internal Revenue na si Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ay hinikayat ang mga negosyanteng ito na manatiling naka-monitor sa kanila pang mga anunsyo.