Naglabas ng mga subpoena ang House Committee on Justice laban sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC) bilang bahagi ng mas pinalalim na imbestigasyon sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at iregularidad sa pananalapi ni Vice President Sara Duterte.
Sa impeachment hearing ng Justice panel kanina sa pangunguna ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang pagdinig, tinalakay ang mga mosyon na humihiling ng mahahalagang dokumentong pinansyal na may kaugnayan kay Duterte, sa kanyang asawa na si Manases “Mans” Carpio, at sa kanilang mga negosyo.
Naghain ng mosyon si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon upang mag-isyu ng subpoena ad testificandum at duces tecum laban sa isang kinatawan ng BIR.
Layunin nitong makuha ang mga rekord ng buwis nina Duterte at Carpio, kabilang ang mga kumpanyang may kaugnayan sa kanila.
Kabilang sa hinihinging dokumento ang mga tala ng “tax compliance at iniulat na kita,” pati na ang orihinal o sertipikadong kopya ng income tax returns, value-added tax payments, at iba pang kaugnay na rekord mula 2007 hanggang 2025 para kina Duterte at Carpio, gayundin ang mga dokumento ng ilang korporasyong kanilang kinabibilangan.
Ang mosyon, na sinuportahan ni ML Party-list Rep. Leila de Lima, ay inaprubahan sa botong 34-2 na walang abstention. Inatasan ni Luistro ang komite na agad maglabas ng kaukulang subpoena.
Ayon kay Ridon, layunin ng hakbang na masuri ang posibleng agwat sa pagitan ng idineklarang ari-arian at aktuwal na kita, at muling tutukan ang usapin ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Sa hiwalay na mosyon, inaprubahan din ng komite ang pagpapalabas ng subpoena laban sa SEC upang makuha ang mga sertipikadong kopya ng general information sheets at audited financial statements ng parehong mga kumpanyang nabanggit sa pagdinig.
Ang mosyon laban sa SEC, na inihain din ni Ridon, ay inaprubahan sa botong 14 pabor, dalawa ang tumutol, at tatlong nag-abstain.
Ipinapakita ng mga hakbang na ito ang mas pinaigting na pangangalap ng ebidensya sa impeachment proceedings, kung saan sinusubukan ng mga mambabatas na tukuyin ang daloy ng pananalapi na maaaring magpatibay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at paglabag sa pananagutang pampubliko.















