-- Advertisements --

Matapos ideklara ang State of National Energy Emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110, 2026, agad na kumilos ang Bureau of Internal Revenue (BIR) upang tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya sa bansa.

Sa pamamagitan ng Large Taxpayers Service (LTS), naglabas ang BIR ng espesyal na permit na nagbigay-daan sa PNOC Exploration Corporation (PNOC-EC) na magsagawa ng emergency importation ng petroleum products.

Hindi nag-aksaya ng oras ang BIR sa pagproseso ng mga dokumento at requirements, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa PNOC-EC para sa agarang pagpasok ng fuel shipments.

Bukod dito, naghahanda na rin ang ahensya para sa mabilis na pagproseso ng mga susunod pang fuel imports, bilang bahagi ng agresibong tugon ng pamahalaan upang mapanatili ang seguridad ng enerhiya.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, patuloy na makikipagtulungan ang Bureau sa PNOC upang matiyak ang mabilis na pag-apruba ng lahat ng kinakailangang dokumento para sa kasalukuyan at hinaharap na emergency fuel importations.

Giit niya, ang BIR ay nakahanda at determinado na suportahan ang whole-of-government response upang hindi matigil ang suplay ng enerhiya na kritikal sa kabuhayan, industriya, pagkain, at transportasyon ng bansa.

Ang hakbang na ito ay malinaw na nagpapakita ng mas agresibong posisyon ng pamahalaan: walang palugit, walang pagkaantala—siguradong tuloy ang suplay ng enerhiya para sa Pilipinas.