-- Advertisements --

Isinusulong sa Senado ang isang panukala na magbibigay daan upang mapasailalim sa price control ang mga produktong petrolyo gaya ng diesel at gasolina sa panahon ng krisis.

Inahain ni Senator Bam Aquino ang panukala na may layong tugunan ang kasalukuyang kakulangan sa Republic Act No. 7581 o Price Act, kung saan hindi saklaw ng price control ang mga pangunahing fuel products kahit malaki ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin.

Sa ilalim ng panukala, maaaring ipataw ang price control sa langis sa loob ng 30 araw kapag may umiiral na krisis—mas mahaba kumpara sa kasalukuyang 15 araw na sakop lamang ang LPG at kerosene.

Giit ng senador, bagama’t dereguladong industriya ang langis, hindi dapat pabayaan na tuluyang sumirit ang presyo nito lalo na kung direktang naaapektuhan ang pamumuhay ng publiko.

Inihain ang panukala dulot ng patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan, na siyang dahilan ng pagtaas sa presyo ng iba pang pangunahing bilihin.

Samanatala, sa kabila naman ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency, wala pa ring konkretong hakbang na ipinatutupad para i-freeze ang presyo ng langis.