-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang patuloy na pag-ikot ng hindi bababa sa 90 na hindi awtorisadong barko ng China sa loob ng West Philippine Sea nitong buwan ng Marso 2026.

Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, namonitor nila ang walang patid na presensya ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at China Coast Guard (CCG) sa mga pangunahing teritoryo ng bansa.

Naitala ang pinakamataas na presensya sa Bajo de Masinloc na umabot sa 49 na barko (17 PLA-N at 32 CCG).

Sinundan ito ng Pag-asa Island na kinakitaan ng 15 sasakyang pandagat, Ayungin Shoal na may 14, at Escoda Shoal na may 12 barko.

Iginiit ni Trinidad na ang mga paglabag na ito ay bahagi ng masamang motibo ng Beijing laban sa soberanya ng Pilipinas.

Sa kabila ng tensyon, nanindigan ang opisyal na hindi aatras ang sandatahang lakas sa pagbabantay ng karagatan.

Sa pangkalahatang datos ng militar noong Marso, aabot sa 22,755 na sasakyang pandagat ang pumasok sa maritime zones ng Pilipinas.

Mula rito, 19,328 ang foreign-flagged habang 3,428 ang lokal. Bagamat 14,990 na barko ang sumunod sa international protocols, aabot naman sa 7,765 na mga sasakyang pandagat ang nabigong tumugon sa mga radio challenges ng pamahalaan.