-- Advertisements --

MANILA – Nagsimula nang sumisid patungong “Emden Deep” ang grupo ng Pinoy scientist na si Dr. Deo Florence Onda.

“So we are about to go out to the sub (submarine). Ito na ‘yun, Pilipinas. Good luck,” ani Dr. Onda sa kanyang Facebook post.

Isang microbial oceanographer mula sa University of the Philippines – The Marine Science Institute si Dr. Onda.

Naimbitihan siya ng kilalang American explorer na si Victor Vescovo para suungin ang Philippine Trench, at makapunta sa Emden Deep.

Ang Emden Deep ang ikatlo sa pinakamalalim na bahagi ng mundo, may lalim na 34,100-feet.

Makasaysayan ang ekspedisyon dahil si Dr. Onda ang pinaka-unang Pilipino, at isa sa pinaka-unang tao na makakapunta ng Emden Deep.

Batay sa pinakahuling post ng UP-MSI, nasa 10,045-meters deep na ng karagatan ang DSSV (deep submersible support vessel) Pressure Drop, na may sakay sa expedition team.

#IntoTheEmdenDeep Update From DSSV Pressure Drop “Touchdown @10,045 meters!”

Posted by UP Marine Science Institute on Monday, March 22, 2021

Tatagal ng 10-oras ang pagsisid nina Dr. Onda at Vescovo. Hanggang March 28 naman ang expedition ng grupo, na inorganisa ng Caladan Oceanic.

Kabilang daw sa mga huling paghahanda ng Pinoy scientist bago sumisid ay ang emergency drills sa submarine.

Una nang sinabi ng UP-MSI na malaking ambag sa kasaysayan ng Pilipinas at agham ang tagumpay ni Dr. Onda.

“The Philippine Trench is a unique feature found within the EEZ of the Philippines, and it is only appropriate that a Filipino scientist be one of the first to hold this record in the Emden Deep,” ayon sa UP-MSI.