Pansamantalang isinara ng Thailand ang dalawang border crossings nito sa Cambodia noong Sabado bilang hakbang sa kanilang kaligtasan kasunod ‘yan ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang desisyon ay ginawa makalipas ang nangyaring military clash noong Mayo 28 sa Emerald Triangle —isang lugar sa pinagsasanib na daanan ng Thailand, Cambodia, at Laos kung saan napatay ang isang sundalong Cambodian.
Ayon sa pamahalaan ng lalawigan ng Chanthaburi, Thailand ang mga tourist crossings sa dalawang pangunahing border checkpoints ay “temporarily suspended.” Gayunpaman, tuloy pa rin ang kalakalan at pagpasok ng mga manggagawang Cambodian.
Ipinahayag ng Royal Thai Army na ang pagsasara ay para protektahan ang soberenya at seguridad ng bansa. Bukod dito, anim pang border points ang nagpatupad ng mahigpit na oras ng operasyon at pagbabawal sa malalaking sasakyan.
Sinabi ni Thai Defense Minister Phumtham Wechayachai na nagkaroon ng pagpapalakas ng puwersang militar sa panig ng Cambodia, na lalong nagpataas ng tensyon. Bilang tugon, nagdagdag din ng tropa ang Thailand sa kanilang crossing border.
Handa rin umano ang Thai army na magsagawa ng “high-level operation” kung lalabagin ng Cambodia ang kanilang batas.
Sa kabila ng tensyon, itinakda ng Thailand at Cambodia ang bilateral talks sa Hunyo 14 upang maresolba ang sigalot. Ayon naman kay Cambodian Prime Minister Hun Manet, hindi sila mag-uumpisa ng gulo ngunit handa silang ipagtanggol ang kanilang sariling bayan.
Nagbanta rin ang Cambodia na magsusumite ng reklamo sa International Court of Justice (ICJ), kahit pa hindi kinikilala ng Thailand ang hurisdiksyon nito.
Nabatid na ang tensyon ay matagal nang umiiral mula pa noong taong 2008, nang magkaroon ng sagupaan kaugnay sa isang sinaunang templong Hindu na humantong naman sa mahigit 28 katao na ang nasawi sa mga nagdaang taon.