-- Advertisements --

Nakatakdang makipag-usap si Thailand caretaker Prime Minister Anutin Charnvirakul kay US President Donald Trump kaugnay sa nagpapatuloy na sagupaan sa border ng Thailand at Cambodia.

Ayon sa Thai PM, magkakausap sila ni Trump sa isang phone call mamayang alas-9:20 ng gabi ngayong Biyernes, Disyembre 12 local time.

Target ng US President na muling pumagitna para mapigilan ang labanan at maisalba ang ceasefire na kaniyang inareglo noong unang sumiklab ang conflict sa pagitan ng Thailand at Cambodia noong Hulyo ng kasalukuyang taon.

Nangako si Trump na tatawagan ang mga lider ng dalawang bansa para tangkaing pigilan ang labanan.

Nitong Huwebes kasabay ng Congressional Ball, ipinagmalaki ni Trump ang kaniyang nagawa bilang isang global peace-maker kung saan walong giyera na aniya ang kanilang naresolba at nagpahayag ng kumpiyansa na muling maibabalik ang ceasefire sa pagitan ng dalawang Asian countries.

Matatandaan, muling sumiklab ang labanan sa may border sa pagitan ng Thailand at Cambodia matapos malabag ang ceasefire deal na inareglo ni Trump noong Oktubre makaraang suspendihin ito ng Thailand noong Nobiyembre kasunod ng landmine blast na ikinasugat ng isang sundalo ng Thailand, bagay na itinatanggi naman ng Cambodia.