-- Advertisements --

Winaksan na ni US President Donald Trump ang pinakamahabang government shutdown sa kasaysayan ng Amerika na nagtagal ng mahigit isang buwan.

Ito ay matapos tuluyan nang lagdaan ni Trump ang funding bill sa kaniyang Oval Office sa White House nitong Martes, Nobiyembre 13 (eastern time).

Ang paglagda ng US President ay ilang sandali lamang matapos ipasa ng House of Representatives ang bill sa botong 222 – 209, kung saan anim na Democrats ang kasama ng Republican lawmakers na pumabor.

Sa pagtatapos ng shutdown at muling pagbubukas ng gobyerno ng Amerika, magbabalik na sa regular scheduled programming ang US Congress.

Inaasahang ilang federal employees at contractros din ang magbabalik trabaho na nitong umaga ng Huwebes.

Magbibigay daan din ito sa pagpapatuloy ng pagpopondo sa federal agencies, mga departamento at mga programa tulad ng pinakamalaking anti-hunger program ng US na Supplemental Nutrition Assistance Program (SNAP), na nagbibigay ng food aid sa 42 milyong mamamayan.

Bibigyan din ng back pay ang daan-daang libong empleyado na hindi nasahuran simula ng maging epektibo ang shutdown noong Oktubre 1.

Ang mga paliparan ng Amerika ay magbabalik normal na rin ang operasyon subalit maaaring matagalan matapos ipag-utos ng Federal Aviation Administration ang pagbawas sa flights sa 40 pinakamalaking paliparan sa buong US.