-- Advertisements --

Inihayag nina Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong at Manila Rep. Ernix Dionision na tama lamang na kanselahin ang pasaporte ni dating Congressman Zaldy Co.

Ayon kay Adiong, panahon na para umuwi ng bansa si Co at harapin ang mga kinakaharap na kaso at ipaliwanag at sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Giit pa ng Kongresista, ito na rin ang konklusyon sa ikinasang imbestigasyon kaugnay sa flood control anomaly.

Sinabi ni Adiong na posible ang naging basehan sa pagkansela sa passport ni Co ay batay sa mga nakalap na ebidensiya.

Naniniwala naman si Adiong na sa nasabing hakbang, unti unti na rin nakakamit ang finality sa nasabing kaso, masampahan na ng kaso ang mga sangkot sa anomalya.

Sa panig naman ni Rep. Ernix Dionisio,sinang-ayunan nito ang pahayag ni  Rep. Adiong na aniya makakahanap na ng mga paraan ang pamahalaan para mapauwi sa bansa sa lalong madaling panahon ang dating mambabatas na sangkot sa flood control scam.

Malugod na tinanggap ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinansela na ang pasaporte ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na hinaharap ang kasong kaugnay ng maanomalyang flood control project.

Ayon kay Tiangco, matagal na nilang hiniling ang kanselasyon dahil malinaw ang batayan. 

Giit ng Kongresista kung may passport to freedom dati ngayon ay mukhang may one-way ticket to accountability na ngayon.

Nanawagan si Tiangco sa mga embahada ng Pilipinas sa abroad na gawin ang lahat upang mahanap at maiuwi si Co para humarap sa kaso. 

Dagdag niya, magpapatuloy ang kanilang pagbabantay upang matiyak na mapapanagot ang mga sangkot sa pang-aabuso sa pondo ng bayan.