-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Patuloy pa ring inaalam ang identity ng mga biktima ng madugong mass shooting incident sa isang shopping mall sa El Paso, Texas.

Una rito, kinumpirma na ni Texas Gov. Greg Abbott na umakyat na sa 20 ang bilang ng mga nasawi habang 26 ang nasugatan sa insidente.

Mabilis namang kinumpirma ni Mexico Foreign Affairs Secretary Marcelo Ebrard, na anim sa kanilang mga kababayan ang nasugatan.

Ito ay sina Mario de Alba Montes, 45-anyos; Olivia Mariscal Rodriguez, 44; at Erika de Alba Mariscal, 10.

Base naman sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Dagupan sa Filipino community sa Texas, wala pa silang naa-account na kababayan natin na kabilang sa mga biktima ng mass shooting.

Sa ngayon, patuloy ang pag-alay nila ng panalangin at simpatiya para sa kaanak at kaibigan ng mga biktima habang patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad at kababayaan doon upang matiyak na ligtas ang lahat.

Nabatid na inaabisuhan ang mga residente roon na manatili muna sa kanilang mga tahanan at iwasan ang pagtungo sa mga matataong lugar habang hindi pa tuluyang nabibigyang linaw ang krimen.

Ito’y kahit pa nasa kustodiya na ng mga otoridad ang pinangalanang Patrick Crusius, 21-anyos na residente ng Allen, Texas.

Inaantabayanan pa ang opisyal na ulat mula naman sa Konsulada ng Pilipinas doon upang malaman ang kalagayan ng mga Pinoy.