VIGAN CITY – Hindi na muna itutuloy ng Commission on Elections (COMLEC) ang testing ng mobile voting application sa ilang bansa.
Ito’y sa gitna ng lumalalang banta ng Coronavirus Disease (COVID- 19).
Sa mensaheng ipinadala ni COMELEC spokesman James Jimenez sa Bombo Radyo Vigan, kinumpirma nito na kinansela ng en banc ng poll body ang planong testing ng mobile voting application sa Singapore, Hong Kong at Middle East, na pawang mayroong kaso ng nasabing virus.
Pag-iingat na rin ito laban sa COVID-19 lalo pa’t hindi pa tukoy ng World Health Organization kung paano ito mapupuksa.
Samantala, tuloy naman ang test run sa San Francisco, USA sa darating na June o July.
Gayunman, magpupulong muna bukas ang en banc ng poll body upang matukoy ang mga bansa kung saan isasagawa ang testing ng mobile voting application.
Kung maaalala, inaprubahan ng Comelec En Banc ang test run ng mobile voting application sa iba’t ibang mga bansa para sa posibleng paggamit nito sa national elections sa 2022.