-- Advertisements --

Bahagyang bumilis ang galaw ng Tropical Depression Kiyapo habang kumikilos ito pa–hilagang–kanluran sa Philippine Sea, silangan ng Hilagang Luzon.

Ayon sa state weather bureau, huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang 10:00 AM sa layong 830 kilometro silangan ng Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 km/h malapit sa sentro at bugso hanggang 55 km/h, habang kumikilos sa bilis na 25 km/h.

Nakakaapekto ang malalakas na hangin hanggang 400 kilometro mula sa sentro ng bagyo.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, at Kalinga. Sakop din ang silangan at gitnang bahagi ng Mountain Province gaya ng Paracelis, Natonin, Barlig, Sadanga, Bontoc, Besao, at Sagada. Kasama rin ang silangan at gitnang bahagi ng Ifugao kabilang ang Mayoyao, Aguinaldo, Alfonso Lista, Banaue, Hingyon, Lagawe, at Lamut. Nasa listahan din ang Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Ilocos Sur tulad ng Cabugao, Sinait, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, Bantay, San Ildefonso, at San Vicente. Dagdag pa rito ang hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran), hilagang bahagi ng Quirino (Aglipay, Maddela, Cabarroguis, Saguday, Diffun), at pinakahilagang bahagi ng Nueva Vizcaya (Bagabag, Diadi).