CENTRAL MINDANAO- Bumuo ng Special Investigation Task Force ang Cotabato Police Provincial Office sa malagim na masaker sa bayan ng Kabacan.
Ito mismo ang kinomperma ni Lieutenant Colonel Reilan Mamon ang tagapagsalita ng Cotabato PNP.
Ang Special Investigation Task Force Kabacan ay siyang mangunguna sa malalimang imbestigasyon sa brutal na pagpatay sa siyam katao sa provincial road malapit sa USM granary and Machinery sa Brgy Poblacion Kabacan North Cotabato.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar na ang pagbuo ng Special Investigation Task Force Kabacan ay para agad matukoy ang lima katao na suspek sa pamamaslang sa mga biktima.
Matatandaan na sakay ang mga biktima sa kanilang motorsiklo nang harangin ng limang hindi kilalang mga armadong kalalakihan at pinagbabaril gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Hinikayat din ni Mamon ang publiko lalo na ang mga nakasaksi sa brutal na pagpatay sa mga biktima na makipagtulungan sa mga otoridad para agad matukoy at mahuli ang mga suspek.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng Task Force ang malalimang imbestigasyon sa malagim na sinapit ng mga biktima.