-- Advertisements --

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na bawasan ang taripa ng imported na bigas para matiyak ang food security at maprotektahan na rin ang mga mamimili laban sa mataas na presyuhan.

Sa isang statement, sinabi ng Office of the President na kinunsidera nila sa desisyon na ito ang pagtaas sa presyo ng bigas sa global market at ang wala ring katiyakan sa supply bigas sa bansa.

Sa isang executive order, binawasan ni Duterte ang Most Favoured Nation (MNF) tariff rates sa bigas sa 35% mula sa dating 40% para sa in-quota purchases at 50% naman sa out-quota volume para sa isang taon.

Layon nito na gawing diverse ang market sources ng bansa, madagdagan ang supply ng bigas, mapanatiling affordable ang presyo, at mabawasan din ang pressure sa inflation.

Magugunita na noong Enero, sa sinabi ng agriculture ministry na sa kanilang pagtataya ay mag-aangkat ng Pilipinas ng 1.7 million tonelada ng bigas ngayong taon para mapunan ang domestic requirements.

Samantala, bukod sa bigas, binago rin ni Duterte ang MNF tariff rates para sa pork products sa 10% para sa in-quota purchases at 20% naman para sa out-quota volumes sa unang tatlong buwan, at 15% sa in-quota at 25% sa out-quota mula sa ika-apat hanggang ika-12 buwan.