-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na may nakuha silang intelligence report na balak maghasik ng karahasan ang local terrorist group kasabay ng isinagawang kilos protesta kontra korapsyon kahapon.

Ayon kay Remulla target ng local terrorist group na magsagawa ng pamomomba sa People Power Monument at sa Luneta kung saan libo-libong mga tao ang dumalo.

Pero dahil sa pinaigting na seguridad ng Philippine National Police (PNP), hindi nagtagumpay ang mga ito at napigilan ang kanilang plano.

Nasa mahigit 400 na mga plain clothes policemen ang idineploy sa ground para imonitor ang sitwasyon.

Dahil sa naturang banta,sinabi ni Remulla lahat ng mga posibleng contingency measures ay kanilang pinaghandaan.

Hindi naman binanggit ni Remulla kung ito ay ang teroristang Abu Sayyaf o Maute terror group na may kaugnayan sa ISIS.

Ayon sa Kalihim nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil dito at sa mga darating na araw ay maglalabas sila ng report ukol dito.

Aminado si Remulla na mahigpit nilang binatayan ang sitwasyon sa EDSA at Luneta dahil kung dito nangyari ang kaguluhan posible marami ang masusugatan.

Dagdag pa ng kalihim, naging maayos naman ang pagdaraos ng rally at nanatiling mapayapa .

Aniya, bagama’t may agam-agam na maaaring may mag-udyok ng karahasan sa nasabing lugar, masaya silang hindi ito nangyari sa rally mismo kundi sa Mendiola na agad namang na-kontrol ng mga awtoridad.

Ayon sa kalihim, bagama’t hindi pa tukoy kung aling grupo ang nasa likod ng banta, nakatutok pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad batay sa nakalap na intelligence report.