CENTRAL MINDANAO – Nagdulot ng takot sa pamilya ng isang abogado at mamamahayag nang paputukan ng mga hindi kilalang suspek ang kanyang tahanan dakong alas-9:40 nitong gabi ng Martes sa Pikit, North Cotabato.

Nakilala ang abogado na si Atty. Barodin Manguindra, legal council ni BTA-BARMM MP Akmad Jack Abas Alhaj, may programa sa isang himpilan ng radyo at nakatira sa Datu Udtog, Matalam St., Barangay Poblacion, Pikit, Cotabato.

Sinabi ni Atty Manguindra na dalawang hindi kilalang suspek ang nagpaputok ng kalibre .45 na pistola sa gate ng kanyang tahanan.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Sa ngayon ay palaisipan pa rin kay Manguindra kung bakit pinaputukan ang kanyang bahay na wala naman itong alam na kaaway o nakaalitan.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pikit PNP sa pamumuno ni Captain Mautin Pangandigan sa naturang pamamaril sa tahanan ng abogado.