Ikinagalak ng Malacañang na hindi 100 porsyentong nawalan ng trabaho ang mga Pilipino dahil sa ipinatupad na lockdown kaugnay sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, patunay itong matibay ang mga Pilipino sa gitna ng mga pagsubok.
“Magugulat ka ba na nawalan ng trabaho sila e samantalang buwan buwan nang inaabot na nakalockdown ang ating ekonomiya. Ako po’y nagagalak na hindi tayo 100 percent na nawalan ng trabaho. Kasi sa tagal po na nakalockdown tayo, talagang I’m still surprised at our resilience at 45 percent pa lang ang nawawalan ng trabaho. It could have been worse kasi nga po, complete lockdown ang nangyayari sa atin,” ani Sec. Roque.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 45.5 percent o 27.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho noong July 2020 kung saan mas mataas ito kumpara sa 17.1 percent na naitala noong Disyembre 2019.
Ayon kay Sec. Roque, hindi maikakailang mainit ang naging talakayan sa Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kaugnay sa pagbubukas ng ekonomiya.
“Intense po ang debate sa IATF at sa gabinete. Between those who want to open the economy and between those who want to continue closing it because of the threat. Ako, I belong to the school of thought na we can live with COVID, we need to learn how to live our lives with COVID,” dagdag ni Sec. Roque
“Ilulunsad na nga po natin yung ating kampanya na ingat buhay para sa hanapbuhay. Ang solusyon po, kinakailggan buksan ang ekonomiya. Dahil talaga naman pong wala pa rin trabaho ang karamihan kung mananatili ang mga lockdowns.”