-- Advertisements --

Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ngayong Biyernes ang umano’y bagong raket sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasasangkutan ng ilang junior personnel na naniningil sa mga kontratista ng hanggang libo-libong piso kada pahina ng mga dokumentong kailangan.

Batay sa impormasyong nakalap niya, kabilang sa sinisingil ng mga junior officials ang sumusunod:

  • Technical notes gaya ng variation order: ₱10,000 bawat dokumento at ₱2,000 bawat pahina kada request
  • Planning and Design Section: ₱50,000 para sa soft copy, depende sa rehiyon
  • Materials testing report: 1% ng contract cost, walang resibo
  • Bid documents: ₱50,000, depende sa rehiyon
  • Inspection per initial billing: ₱5,000 bawat inspector; dagdag na ₱10,000 at ₱5,000 kada pipirma kung taga-DPWH ang gagawa ng report
  • Final billing: ₱75,000 plus ₱5,000 bawat project engineer
  • Quality assurance mula sa Central Office: ₱50,000, ipinapatawag ng District Engineer ang kontratista
  • Construction Performance Evaluation System (CPES): ₱50,000 hanggang ₱200,000

Naging systemic na kung saan nag-evolve sa sobrang katakawan nagdagdag ng nagdagdag ng nagdagdag ng pagkakagastusan, pagkakakitaan, pati per page ng bidding documents, pati per page ng material testing report, pati per page ng kung anong documentary requirements, pinepresyuhan na,” ani Lacson. 

Binigyang-diin pa niya na hindi kontratista ang tunay na apektado ng dagdag singil, kundi ang mga mamamayan dahil nauuwi ito sa substandard na proyekto.

“Ang mas mababa, magdadagdag ng requirement, parusa sa contractor. Pero ang talagang pinaparusahan, ang taxpayer. Kasi ang contractor, di magpapalugi ‘yan. Babawasin ‘yan sa gagawin nilang substandard,” paliwanag ni Lacson.