Tinatarget muli ng Department of Education na ibalik sa buwan ng Hunyo ang pagsisimula ng school year sa susunod na taong 2025 hanggang 2026.
Ito ang pinaplano ngayon ng naturang kagawaran kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nais niyang muling ibalik sa dati ang Academic calendar para sa susunod na taon.
May kaugnayan pa rin ito sa matinding init ng panahon na nararanasan ngayon sa bansa dulot ng El NiƱo phenomenon na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante sa Pilipinas.
Ayon kay Deped Asec. Francis Cesar Bringas, target ng kanilang ahensya na simulan ang school year 2024-2025 sa Hulyo 29, 2024 na inaasahan namang magtatapos pagsapit ng Marso 31, 2025.
Sa pamamagitan aniya nito ay mabibigyan ng dalawang buwan na bakasyon ang mga mag-aaral bago ang muling pagsisimula ng 2025-2026 school calendar na plano namang ipatupad sa Hunyo 2025.
Pag-amin ng DepEd, ang planong ito ay magreresulta sa mas maikling contact days ng school year 2024-2025 ngunit kasalukyan na aniya nilang pinag-aaralan kung paano tutugunan ang mga possible concerns na maaaring umusbong na may kaugnayan dito.
Gayunpaman ay tiniyak pa rin ng naturang Deped official na magsasagawa sila ng kaukulang mga interbensyon upang tiyakin na matutugunan ang lahat ng mga pangangailangan nito.